Duterte, ‘One-Man Fake News Factory,’ – Palasyo

Mariing itinanggi ng Malacañang ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may plano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdeklara ng batas militar upang manatili sa kapangyarihan. Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, walang katotohanan ang paratang, sabay bansag kay Duterte bilang isang “one-man fake news factory.”

“This hoax is another budol emerging from a one-man fake news factory,” ani Bersamin, gamit ang salitang “budol” upang ipakita na ang pahayag ni Duterte ay mapanlinlang.

Ginawa ni Duterte ang nasabing pahayag sa isang rally sa Mandaue City, kung saan sinabi niyang maaaring sundan ni Marcos Jr. ang yapak ng kanyang ama, dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na nagdeklara ng batas militar noong 1972. “I bet he will not step down after his term. It will be just like his father’s time. He will impose martial law,” ani Duterte.

Bilang tugon, iginiit ni Bersamin na ang administrasyong Marcos ay nananatiling tapat sa demokrasya at pagsunod sa Konstitusyon. “As our actions have consistently demonstrated, we will stay the course in upholding the Constitution, in adhering to the rule of law, and in respecting the rights of the people,” aniya.

Bukod dito, binatikos din ng Malacañang ang administrasyong Duterte, na inakusahan nitong gumamit ng dahas laban sa mga kritiko at pinalakas ang extrajudicial killings. Dagdag pa ni Bersamin, “We will not backslide into the oppressive ways of the previous administration, when critics were jailed on trumped-up charges and when kill orders were publicly issued with glee and obeyed blindly.”

Ipinapakita ng sagutang ito ang lumalalim na hidwaan sa pagitan ng kampo ni Marcos at Duterte. Nanawagan ang Malacañang sa publiko na maging mapanuri sa impormasyong kanilang tinatanggap at tiyaking mula ito sa mapagkakatiwalaang sources.