Duterte Pinabulaanan ang Balitang Siya ay Patay na

Pinabulaanan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kumakalat sa TikTok na pumanaw na siya.

Sa pamamagitan ng isang Facebook live stream mula kay Senator Bong Go nitong Huwebes, Hunyo 20, sinabi ng dating presidente na matanda na siya ngunit wala naman daw siyang sakit at hindi niya nararamdamang mamamatay na siya.

“Ako po’y matanda na at hindi natin maiwasan ‘yung balita na nagkasakit. Wala naman akong sakit, at feeling ko hindi naman ako mamamatay ngayon kaagad,” ani Duterte.

Ayon pa sa dating pangulo, nagsilbi na raw siya nang matagal sa taumbayan mula nang maging alkalde siya ng Davao City hanggang maging pangulo ng bansa, kaya’t tapos na umano ang kaniyang karera sa politika at nagpapahinga ngayon sa kaniyang bahay.

“Matanda na ako. Nagsilbi na ako sa inyo nang pinakamatagal; mayor ilang taon, presidente. Huwag kayong magtaka kung mamamatay ako,” ani Duterte.

“Mas mabuti pang magtanong ‘bakit ba buhay pa ‘yan, bakit ayaw nang magpahinga, matanda na.’ Pero kung sabihing nabalitaan ninyo, may chismis na namatay ako, lahat tayo, ikaw, ako, lahat ng kaharap ko sa mundong ito, mamamatay tayo. Hindi ako exception. May katandaan na ako, tapos na akong magsilbi sa buong buhay, sa bayan ko, sa taumbayang Pilipino,” dagdag pa niya.

Samantala ayon din kay Senator Go ay “very healthy” si Duterte kahit may kaunting daw itong sakit dahil kanyang edad.