Pacquiao, Sinibak ang Driver Matapos Tumakas sa EDSA Busway Checkpoint

LAOAG CITY, Ilocos Norte— Sinibak ni boksing legend at dating Senador Manny Pacquiao ang kanyang service driver matapos itong tumakas mula sa mga awtoridad nang sitahin dahil sa hindi awtorisadong paggamit ng EDSA Busway.

“Hindi niyo makikita ‘yung taong ‘yan sa akin ngayon. Sabi ko, diyan ka na lang. ‘Wag ka na sumama sa amin,” ani Pacquiao sa isang panayam.

Dagdag pa niya, pinagalitan niya ang kanyang chief of security matapos malaman ang pangyayari.

“Na-briefing ko na chief security ko na mali ‘yung ginawa nila at pinagalitan ko nang pinagalitan. Pinabalik ko nga agad at pinakuha ‘yung ticket dahil nakakahiya, bakit nila tinakasan,” aniya.

Binigyang-diin ni Pacquiao na hindi niya kinukunsinti ang ganitong gawain, at sinabing, “Bawal sa akin ‘yang ganyan.”

Naglabas naman ng opisyal na pahayag ang kampo ni Pacquiao upang humingi ng paumanhin kaugnay ng insidente.

Ayon sa Department of Transportation’s Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), dalawang sasakyan ang nasita noong weekend sa EDSA Busway, kung saan ang mga sakay nito ay nagpakilalang bahagi ng security team ni Pacquiao.

Isa sa mga pasahero ang nagpahiwatig na hihinto upang makipag-usap sa enforcer ngunit sa halip ay tumakas. Kalaunan ay bumalik ang van, at pinatawan ng traffic violation tickets ang convoy dahil sa hindi pagsunod sa traffic signs at ilegal na paggamit ng blinkers.